Kamakailan ay dinagdagan ng DAMAYAN ng All UP Workers Union Diliman Chapter (AUPWU-Diliman) ang ayudang kanilang ibinibigay sa mga nangangailangang UPD personnel.
Napagpasiyahan ng unyon na palawakin ang tulong sa pagbibigay ng mga pagkain tulad ng mga prutas at gulay, bukod sa mga gamot, pati na rin ng mga grocery item sa mga kawaning higit na kapos.
Sinimulan ng AUPWU-Diliman noong 2021 ang DAMAYAN bilang tugon sa dumaraming kawani na humihingi ng ayudang medikal sa gitna ng pandemyang dulot ng COVID-19.
Noong nakaraang taon, halos 1,000 pakete ng mga ayuda ang naipamahaging tulong sa komunidad ng UP kasama na rin ang mga kasapi ng unyon. Ngayong Enero, hindi bababa sa 60 pakete ng mga grocery item, pagkain, at gamot ang naipamahagi sa mga kasaping nangangailangan na inihatid mismo sa kanila ng mga DAMAYAN volunteer. Ayon sa DAMAYAN, naging mas kakaunti ang nabigyan bunsod na rin ng mabilisang pagtaas ng mga kaso ng nagpopositibo sa COVID-19 sa bansa, kabilang na rin sa hanay ng mga DAMAYAN volunteer.
Ayon kay Clodualdo “Buboy” Cabrera, pangulo ng AUPWU-Diliman, “Layunin ng DAMAYAN na makapaghatid ng tulong sa abot ng makakaya nito katuwang ang ating mga union representative mula sa iba’t ibang yunit sa Diliman. May mga ilang organisasyon ding nagbigay ng mga grocery item, hygiene kit, at vitamins.”
Kanyang ipinabatid na sa kasagsagan ng pandemya noong 2021, ang DAMAYAN ay kagyat na naghanda ng mga COVID-19 health kit na binubuo ng mga face mask, face shield, at hand sanitizer na naipagkaloob sa mga kawani sa Silungang Molave. Kasabay nito ang paghahanda ng pulse oximeter, thermometer, at mga oxygen tank bilang tugon sa mga pangangailangang medikal.
Idinagdag din ni Cabrera na layunin ng DAMAYAN ang paghatid ng kalinga sa bawat isa at “makapag-abot ng tulong sa mga kasamang kawani sa pamamagitan ng panalangin, patuloy na pakikipag-usap at pagkumusta sa kanilang kalagayan, pagtulong sa mga hospital contact at mga facility katulad ng UP Health Service, at pakikipagtulungan sa Barangay UP Campus.”
Kanyang pinasalamatan ang mga DAMAYAN volunteer na buong tapang na nagbahay-bahay sa kasagsagan ng mataas na bilang ng mga mayroong COVID-19 upang maihatid ang mga ayuda.
Ang DAMAYAN din ang nagko-coordinate sa mga volunteer na mga AUPWU-Diliman member sakaling may kailangang ihatid na mga AUPWU member na mayroong karamdaman sa ospital.
Sinikap ding bigyan ng tulong ng DAMAYAN ang mga kasaping naninirahan sa mga lugar na naka-lockdown sa Barangay UP Campus. ― Kasama ang ulat ni Eva G. Cadiz
(This article, written by Mariamme D. Jadloc, was first published in the UP Diliman Website on February 4, 2022)