Naglabas kamakailan ng infographic ukol sa COVID-19 ang UP Diliman (UPD) Task Force on COVID-19 (UPD Task Force) sa komunidad ng UPD kampus at mga karatig-komunidad upang mas maintindihan ng nakararami ang sakit na ito at bilang tugon sa patuloy na paglaban sa pandemya.
Ayon sa UPD Task Force, ang inisyatibang ito sa pakikipagtulungan ng UP Health Service at Kolehiyo ng Edukasyon (CEd) ay bahagi ng pangmatagalang kampanyang pangkomunidad ng UPD laban sa COVID-19. Layunin nito na mahikayat ang lahat na magtulungan upang masugpo ang pagkalat ng sakit bukod sa pagbibigay impormasyon sa pag-iwas na mahawaan ng COVID-19.
Ang infographic ay naglalaman ng mga protokol pangkalusugan; mga alituntunin sa tamang paggamit ng REwear mask (o reusable, washable at rewearable mask), at mga tanong at sagot ukol sa COVID-19.
Kabilang sa mga protokol pangkalusugan ay ang mga hakbang upang protektahan ang sarili at ang iba mula sa mikrobyo, tirahan ng mikrobyo, sa nilalabasan ng mikrobyo, paraan ng paglipat ng mikrobyo, sa pinapasukan ng mikrobyo, at sa taong maaaring mahawaan ng COVID-19.
Ibinahagi rin sa infographic ang mga hakbang sa tamang paggamit ng gawang REwearface mask ng Department of Science and Technology-Philippine Textile Research Institute na fluid resistant at maaaring gamitin paulit-ulit.
Kabilang sa mga paksang tinalakay sa Infographic ay kung ano ang General Community Quarantine at mga panuntunan nito; ang mga maaaring tawagan kung nakakaramdam ng sintomas ng COVID-19 o magkokonsulta tungkol sa kalusugan; saan maaaring magpa-test; mga dapat gawin kung walang lugar sa bahay para sa self-quarantine; saan maaaring tumawag kung kailangan ng tulong sa kalusugang pangkaisipan; saan makakakuha ng karagdag ang impormasyon tungkol sa COVID-19 at kung saan puwede ng magpadala ng suhestiyon o feedback.
Naglabas ng printed version ng infographic ang UPD at ipinamahagi ito ng Task Force Subcommittee on Community Engagement sa komunidad ng UPD kampus at mga karatig komunidad kamakailan lamang.
Dagdag ng Task Force, patuloy pa rin na mamamahagi ng impormasyon ang unibersidad ukol sa COVID-19 kahit na sa panahong tapos na ang pandemya.
Mga protokol pangkalusugan ukol sa COVID-19 PDF
(This was originally posted on the UP Diliman website on July 17, 2020)