Noong 12 Agosto 2020, matagumpay na nairaos ng Ugnayan ng Pahinungód UP Open University (UPOU) ang unang sesyon na may pamagat na Pagtuturo ng Pagbasa bilang bahagi ng “At Home sa Pagbasa” webinar series. Tumayong punong tagapagsalita si Michelle Agas, kasalukuyang gradwadong mag-aaral ng Language and Literacy Education ng UPOU at host ng Wikaharian sa Knowledge Channel.
Ang webinar series na ito ay isang pagtugon sa hinaharap na mga hamon ng mga guro kaugnay ng implementasyon ng online at distance education.
Tinalakay ni Michelle Agas ang iba’t ibang paraan sa paglinang ng kakayahan ng mga bata sa pagbasa ngayong sila ay nasa bahay lamang. Tinukoy din niya ang mga pangkaraniwang bagay sa bahay na magagamit sa pagtuturo ng pagbabasa. Binigyan diin rin niya ang wikang binibigkas, kamalayang ponolohiya, at talasalitaan.
Tinatayang 52 gurong nagtuturo sa Kinder at Grade 1 at 55 na guro sa Grade 2 at Grade 3 ang lumahok sa sesyon na ito. Ang mga gurong lumahok ay mula sa mga partner schools ng Ugnayan ng Pahinungód UPOU at Ugnayan ng Pahinungód UP Manila.
Inanyayahan din si Associate Professor Portia Padilla mula sa UP College of Education Diliman na magbahagi ng karanasan sa pagtuturo ng pagbasa at pagsulat sa mga pamayanan ng Quezon City. Ayon kay Teacher Portia, ang pakikiisa ng mga magulang at mabuting ugnayan ng mga guro sa mga magulang ang magsisilbing daan sa pagdalo sa klase at pagkatuto ng mga mag-aaral. Binigyan diin niya ang mahalagang tungkulin ng mga guro sa kasalukuyang panahon para maitawid ang kanilang kaalaman sa mga mag-aaral at sa mga magulang.
Ayon sa naging mga tagapagsalita ng unang sesyon, maaring gamitin ang mga kwentong bayan, pabula, at iba’t ibang materyales na matatagpuan sa bahay tulad ng kalendaryo, resibo mula sa mga pinagbayaran, at mga kagamitan sa kusina.
Gaganapin ang susunod na sesyon sa 19 Agosto 2020. Tatalakayin dito ang Pagtuturo ng Pagsulat.
Ang “At Home sa Pagbasa” webinar series ay bahagi ng “Teacher Development Program” ng Ugnayan ng Pahinungód UPOU na naglalayong linangin ang kakayahan ng mga guro mula sa pampubliko at mataas na edukasyong paaralan sa laman, pananaliksik, at sining ng pagtuturo.
Inaasahan ding makakabuo ang webinar series ng mga pangkat ng mga gurong magiging bihasa sa pagsasalin ng kaalaman sa pagtuturo at pagsusulat.
(This was originally posted on the UP Open University website on August 12, 2020)