PROGRAMANG AKLATANG BAYAN
Pinagtibay at ipinatupad sa UP noong 1989 ang isang Patakaran Pangwika na nagtatakda na Filipino ang maging pangunahing midyum ng pagtuturo. Hindi lamang ito pagtalima sa mga probisyong pangwika sa Konstitusyon. Pagkilala rin ito na sariling wika ang higit na mabisang kasangkapan ng edukasyon, at ang edukasyon na ginagamitan ng wikang naiintindihan ng nakararami ay paghawan ng landas tungo sa katarungang panlipunan.
Hindi sapat ang Patakaran Pangwika para palaganapin ang wikang Filipino sa akademya, kailangan ng kagamitan panturo, lalo na ang mga teksbuk sa Filipino na magagamit ng mga guro, mag-aaral, mga mananaliksik at mga manunulat sa loob at labas ng Unibersidad. Dito binuo ang Programang Aklatang Bayan ng UP Sentro ng Wikang Filipino-Diliman noong 1994 para maisulat at maglimbag ng mga teksbuk sa wikang Filipino para sa iba’t ibang disiplina para matugunan ang kakulangan ng mga akademikong materyal na nasa Filipino at mahikayat rin ang mga guro, mag-aaral, mananaliksik at manunulat na magsulat ng mga akademikong materyal at babasahin sa Filipino. Ang pagsulat ng mga teksbuk at akademikong materyal at mga babasahin sa Filipino ay nilahukan ng mga guro at iskolar sa iba’t iba disiplina gayundin ng mga manunulat at eksperto sa wikang Filipino.
Ipinagpatuloy pa rin ang paglilimbag ng mga teksbuk hindi lamang para sa GE program kundi mga batayang aklat at mga resulta ng mga pananaliksik na sinaliksik ng mga guro at iskolar mula Unibersidad. Ang paglilimbag ng mga aklat ay itinataguyod ng UPD-SWF Publications Fund na nagmula sa naipong benta ng mga nailathalang aklat mula 1994 at pondo mula sa Opisina ng Tsanselor para sa insentibo ng mga gurong magsasagawa ng saliksik at magpapaunlad ng mga teksbuk.
Mula nang simulan ang programa noong 1994, may higit na isandaang titulo na ang nailimbag. Hindi lamang dami ang ikinapupuri nito ang kahusayan ng mga ito. Ang ibang titulo ay tumanggap ng parangal at pagkilala mula sa iba’ ibang institusyon tulad ng Publisher of the Year 1997 mula sa National Book Awards ng Manila Critics Circle, Gawad Dangal ng Wikang Filipino 2004 mula sa Komisyon sa Wikang Filipino at Certificate of Recognition-Gawad Pangulo for Excellence of Public Service noong 2016.
Sa pamamagitan ng Programang Aklatang Bayan, inaasahang na mas mabisang maipupunla ang karunungan sa mga mag-aaral, gayundin ang kapasyahan na maipalaganap ang karunungan sa sambayanang Filipino.
Ang Sentro ng Wikang Filipino-Diliman ay isang non-degree granting office na sumusuporta sa mga estrukturang akademiko para sa mas mabisa, mabilisan, at mapalaganap ang paggamit ng Filipino bilang wikang panturo sa pamamagitan ng pagtataguyod ng mga seminar-workshop, forum, kumperensiya, lektyur na pangwika sa iba’t ibang disiplina gamit ang wikang Filipino. Ang opisina ay nasa ilalim ng Opisina ng Tsanselor ng UP Diliman. Kasalukuyan itong pinapamahalaan ni Dr. Rommel B. Rodriguez. Binubuo ng apat na REPS at limang administratibong kawani.
TALASALITAAN
Ang UPSentro ng Wikang Filipino-Diliman (UP SWF-Diliman) bilang tanggapang nasa ilalim ng Opisina ng Tsanselor ng UP DIliman ay isa sa mga opisinang dapat magpatupad ng patakarang pangwika sa UP hinggil sa paggamit ng wikang Filipino bilang midyum ng pagtuturo.
Isa sa mga programang ipinatutupad ng UP SWF-Diliman ay ang programa sa wikang Filipino bilang panturo ayon na rin sa isinasaad ng Saligang Batas ng 1987. Sa ilalim ng programang ito, binuo ng Sentro ang pagbuo ng mga komite sa wika ng iba’t ibang kolehiyo at opisina sa UP Diliman. Marami nang naging gawain at proyekto ang Sentro kasama ang mga Komite sa Wika.
Noong Pebrero 2015, sinimulan ang pagsasagawa ng regular na forum (quarterly o tuwing sa ikatlong buwan) ng Sentro na pinamagatang Talasalitaan. Ang Talasalitaan ay regular na forum o talakayan na nagtatampok ng iba’t ibang paksa na may kaugnayan sa wikang Filipino mula sa iba’t ibang akademikong disiplina ng UP Diliman upang isulong ang Patakarang Pangwika ng Unibersidad ng Pilipinas.
Ang Talasalitaan ay isang regular na forum na isinasagawa ng UP SWF-Diliman na nagtatampok ng iba’t ibang paksa na may kaugnayan sa pananaliksik at pagtuturo ng wikang Filipino sa iba’t ibang disiplina para sa lalo pang pagpapaunlad at pagsulong ng Patakarang Pangwika ng Unibersidad ng Pilipinas.
Sa bawat Talasalitaan ay may inaanyayahang Komite sa Wika ng Unibersidad ang Sentro para maging katuwang sa gawaing ito. Inaayon ang paksa sa gawain o proyekto ng Komite sa Wika ng Kolehiyo na may kaugnayan sa usapin ng wikang Filipino. Mga eksperto sa larangan ng wika at partikular na paksa ang mga inaanyayahang tagapagsalita sa loob at labas ng unibersidad. Inaanyayahan din ang mga guro at kanilang mga klase para dumalo sa naturang gawain. Dinadaluhan din ito ng mga guro at mag-aaral buhat sa ibang eskuwelahan.
PROGRAMANG SALINAN
Itinataguyod ng UP SWF–Diliman ang Programang Salinan bilang gawain na nakatuon sa masiglang pagsasalin ng mga babasahin, modyul, pormularyo, at iba pang dokumento mula Ingles tungong Filipino na ginagamit sa pagsasagawa ng makabuluhang saliksik at pagpapalaganap ng mahahalagang impormasyon sa loob at labas ng Unibersidad.
Layunin nitong makatulong sa pagsusulong ng paggamit ng Filipino sa iba’t ibang larang ng kaalaman at makapag-ambag sa pagbabahagi ng mga saliksik sa karaniwang mamamayan. Itinuturing itong serbisyong publiko ng tanggapan at maaaring pakinabangan ng marami.