Naniniwala ang isang eksperto na mas mainam na pagkatapos na lang ng holiday season isailalim sa Alert Level 1 ang National Capital Region (NCR).
Ito’y sa harap ng mga mungkahing ipatupad ang pinakamaluwag na alert level sa capital region bunsod ng bumubuting mga numero sa COVID-19.
“Ang sina-suggest nga namin, baka puwedeng i-consider ito after na ng holidays, January. I-ready muna natin ‘yong society,” ani Jomar Rabanjante ng University of the Philippines COVID-19 Pandemic Response Team.
Sa ilalim kasi ng Alert Level 1, puwede na ang 100 porsiyentong kapasidad sa mga establisimyento basta mapapanatili ang pagsunod sa health protocols, bagay na ngayon pa lang sa Alert Level 2 ay hirap nang sundin ng ilan.
“NCR is not an island. May kalapit siyang Region 4-A, Region 3. Actually ‘yong mga kalapit-bayan niya, hindi pa kasingtulad ng NCR ang vaccine coverage,” ani Rabanjante.
“‘Wag sana madaliin. Dahan-dahan. Kasi mahirap yung mago-open ka tapos magsasara dahil may surge,” dagdag niya.
Base sa datos ng Department of Health (DOH) na binabantayan ng OCTA Research Group, muling bumaba ang kasong naitatala sa NCR kada araw.
Noong nakaraang 7 araw, nasa 293 ang average cases. Huling bumaba sa 300 ang bilang na ito noon pang Enero.
Nananatili ring mababa ang positivity rate sa 2 porsiyento.
Pero naging kapansin-pansin nitong mga nakaraang araw na laging lagpas 100 ang bilang ng mga naitatalang namatay sa sakit kada araw.
Noong Nobyembre 1, higit 43,000 ang kabuuang bilang ng mga namatay sa sakit.
Pero nitong Nobyembre 22, umabot na ito sa 47,288, ayon sa datos ng DOH.
Ayon sa DOH, hindi naman ito lahat namatay ngayong Nobyembre.
Para naman kay ABS-CBN Data Analytics head Edson Guido, hindi pa lubusang makita kung talagang bumaba na rin ang bilang ng mga namatay ngayong Nobyembre.
“Talagang underreported ‘yong mga na-report na namatay nitong mga nakaraang buwan,” ani Guido.
“Kung mayroon talagang delay sa reporting ng deaths… we cannot say with certainty na it will remain that way dahil alam naman natin na mayroon pang mga death ng November na next month pa mare-report or even 2 to 3 months from now,” dagdag niya.
Pero sumasabay naman umano ang pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa pagbaba ng bilang ng mga namamatay sa sakit.
May papel ding ginagampanan ang bakuna dito, ani Health Spokesperson Maria Rosario Vergeire.
“Deaths and serious outcomes are more likely to happen among those unvaccinated,” ani Vergeire.
Kasabay din ng pagbuti ng mga numero sa NCR ang mga ulat sa ibang lugar na kung hindi man mababa ay wala na talagang naitatalang bagong kaso ng COVID-19.
Ilang magkakasunod na araw nang walang bagong sakit ang Mabalacat at Angeles City sa Pampanga.
Sa Eastern Visayas, naitala rin ang pinakamababang bilang ng bagong kaso noong weekend, na 5.
Ngayong Martes, nakapagtala ang DOH ng 1,153 bagong kaso ng COVID-19 para sa kabuuang 2,827,820 kaso, kung saan 18,721 ang active cases.
(This article was first published in the ABSCBN News Website on November 23, 2021)