Nagsanib-puwersa ang Quezon City government at UP Pandemic Response Team (UP PRT) sa pagpapalakas sa pandemic response at resilience ng lokal na pamahalaan.
“During this pandemic, we need all the help we can get. So we thank the UP Pandemic Response Team for offering its assistance to the city government to boost our response and resiliency efforts,” sabi ni Mayor Joy Belmonte.
Nangako ang UP-PRT, kasama ang Unexus Medical Solutions Inc., na tutulong sa City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU), na pinamumunuan ni Dr. Rolly Cruz, sa pagpapatupad ng end-to-end MedAlert COVID Testing and Contact Tracing Platform.
Ayon kay Dr. Cruz, ang datos na makukuha sa nasabing programa, kasama ang bagong surveillance testing na kasalukuyang ipinatutupad, ay gagamitin ng lokal na pamahalaan sa pagdedesisyon sa iba-ibang isyu at sa granular lockdowns.
“Sa tulong ng UP-PRT, magkakaroon tayo ng mas malalimang pag-aaral at pagtaya na makatutulong sa pagpapasya ng siyudad kaugnay ng mga pagkilos, lalo na sa granular lockdowns,” sabi ni Dr. Cruz.
Dagdag pa ni Cruz, layon ng proyekto na gawing modelong lokal na pamahalaan ang Quezon City pagdating sa pandemic response na maaaring tularan ng iba pang siyudad at munisipalidad sa bansa.
Dumalo rin sa pulong sina Dr. Mahar Lagmay, Dr. Emmanuel Luna at Jude Agapito ng UP Pandemic Response Team, Cocoy Mercado ng Unexus Medical Solutions at Joseph Juico, dating Co-chair ng QC Task Force Vax to Normal at QC Pandemic Response Team.
(This press release was first published in the Quezon City Government website, with an accompanying Facebook post, on October 2, 2021.)