Tinanggap ni Prof. Jose Julie E. Ramirez ang parangal para sa Sentro ng Wikang Filipino (SWF) Unibersidad ng Pilipinas Visayas (UPV) bilang awardee sa 3rd Gawad Pangulo: Excellence in Public Service na ginanap noong 28 Pebrero 2019 sa UP Diliman, Lungsod Quezon dahil sa dalawang programa, Dayaw at Hanasan, na nilikha ni Prof. Ramirez.
Ang Dayaw: Halad ng UP Visayas sa pagsabuhay ng Kulturang Pilipino sa Wikang Filipino ay isang inisyatibo ng Sentro ng Wikang Filipino para mapatibay ang pananalig sa karangalan at kagalingan ng nag-iisang Pambansang Unibersidad sa bansa, ang Unibersidad ng Pilipinas.
Sa programang Dayaw, anim na serye ng lektyur ng mga pambansang alagad ng sining ang ipinatupad ng SWF sa loob ng dalawang taon mula 2015-2016. Inilarawan nina Dr. Bienvenido Lumbera, pambansang alagad ng sining sa literatura; Dr. Ramon P. Santos, pambansang alagad ng sining sa musika; at si Christian Michael Aguilar para kay Frederico Aguilar Alcuaz, pambansang alagad ng Sining-Biswal ang landas at paglalakbay na kanilang isinabuhay para sa pagmamahal at pagpapahalaga sa wika, literatura, sining at kultura. Ang Programang Dayaw ay nagbigay ng pagkakilanlan sa mga orihinal na kontribusyon ng pambansang alagad ng sining sa bayan; nagbigay-inspirasyon sa mga kabataang henerasyon na may potensiyal sa sining, at mapapahalagahan ang kanilang mga kontribusyon bilang pamanang yamang-sining sa kultura at wikang Filipino.
Pangunahing layunin ng programang Dayaw na ilapit ang mga piling pambansang alagad ng sining sa mga estudyante, guro, manunulat, at mamayamang Pilipino sa Rehiyon VI at VIII sa pamamagitan ng panayam o lektyur para ilahad ang kanilang buhay bilang alagad sining, karanasan, kaalaman kasanayan; at, ibahagi ang kanilang mga mahahalagang kontribusyon sa mamamayang Pilipino at bayan.
Ang Hanasan ay programang pagsasanay para sa mga guro sa pamamagitan ng lektyur-workshop, pambansang seminar-workshop at pandaigdigang kumperensiya-workshop sa wika. Layunin ng programa na palawakin ang kaalaman at kahandaan sa pagtuturo at pagkatuto ng wika gamit ang teknolohiya na makabago at gahum ng mass media at iba pang disiplina sa akademya sa buong bansa, mapalago ang pagkatuto at pagtuturo sa wika at mass media; mabigyan ng mga inobasyon at estratehiya sa paggamit ng wika sa akademya at mapahalagahan ang mga rehiyunal na wika, kultura at literatura.
Bilang Pambansang Unibersidad, mandato ng Sentro ng Wikang Filipino ang pangunahan ang pagpapaunlad, pagpapayaman at promosyon ng literatura, kultura at wikang Filipino hindi lamang sa Rehiyon VI at VIII kundi sa buong bansa at maitanghal ang kagalingan at karangalan ng UP sa pananaliksik at serbisyo publiko. Bilang pagtugon sa mandatong ito, ang Dayaw at Hanasan ay bahagi lamang ng mga programang inilulunsad ng UPV Sentro ng Wikang Filipino.
(This was originally posted at the University of the Philippines Visayas website on March 1, 2019.)